Monday, January 5, 2015

GWAPO KA BA?

So I really looked for this particular Facebook status of mine posted on September 29, 2014 because I feel that it deserves to have its own blog post. It was just a spur-of-the-moment kind of thing when I wrote this but for me it turned out just fine. Anyhoo, here it goes!

Kailangan kong isulat 'to ngayon na, baka mawala pa. Seryosong post 'to, at oo, may ganitong side talaga ako. Sana tumagos din sa inyo katulad ng pagtagos sakin ng mga nakita at napagtanto ko.

GWAPO KA BA?
by Wilonah Chan

Kaninang pauwi ako galing trabaho, inabutan ako ng malakas na ulan habang nakasakay sa jeep. Sa isip-isip ko, "Pucha, wala akong payong. Bat kasi hindi pako bumili-bili." Kailangan ko nang bumaba, bahala na, susugurin ko nalang, at walang pagdadalawang isip akong pumara. Joke ko lang palang susugurin ko ang malakas na ulan, dali-dali din naman pala akong sisilong.

Oo, trenta minutos akong tumayo at gumawa ng wala. At yun ang isa sa mga pinaka-makabuluhang trenta minutos ng buhay ko. Hashtag deep.

Maraming sasakyan, kanya-kanyang busina at kanya-kanyang biglaang preno wag lang magkabanggaan. Maraming tao, merong mga may payong, merong mga tumatakbo, merong mga tulad kong gumagawa rin ng wala.

Napagtripan kong panoorin ang mga bumababa galing sa mga jeep. Siguro gusto ko lang makita kung ilan ang mga katulad kong sisilong at gagawa rin ng wala. Hanggang sa bumaba ang isang babae at isang lalaki. Hindi ko alam kung may relasyon sila at wala akong pakialam. Pareho silang walang payong, pero si kuya isinuot yung cap niya sa ulo ni ate. Mababasa parin naman si ate diba? Pero hindi ko naintindihan yung naramdaman ko. Bumabagyo ang paligid, nakaka-stress at nakaka-hagardo, pero parang lumiwanag yung diwa ko. Na-touch ako sa nakita ko. Oo, walang payong si kuya, pero ginamit niya yung kung anong meron siya para lang hindi mabasa ulo ni ate. Hashtag gwapo.

May tumawid na bf-gf, chubby si kuya, si ate sakto lang. Pareho silang may payong, pero tumabi sakin si ate para sumilong din. Akala ko gagawa rin sila ng wala, pero si kuya tumayo sa may kalsada. Nag-aabang pala siya ng jeep, assumera naman ako, akala ko sasakay sila pareho. Pumara na si kuya, dali-daling lumapit si ate, isang mabilis na goodbye kiss tapos sumakay na si ate at tumawid na ulit si kuya. Hinatid pala. Hashtag gwapo.

Napatingin ako sa kaliwa ko, may puting scooter. Naka-silong din si kuya pero hindi para gumawa ng wala. Meron siyang dalang tatlong kahon, medyo malalaking kahon. Binabalutan niya ng plastic, nabasa ko sa plastic, Xend. Gets ko na, rider si kuya ng isang courier. Matapos niyang balutan lahat ng kahon, suot helmet, larga. Yung mga package may proteksyon para hindi mabasa, siya wala. Hashtag gwapo.

Dami ko pang nakita, pero baka maging blogspot na'to, nasa Facebook pala ako. Sa trenta minutos na pagtanga ko sa silong, hindi ko akalain na marami akong maiintindihan. Minsan kasi may kaisipan na akong "Men are dying breed." Sa dami ba naman ng bumastos sakin sa daan at sa dami ba naman ng siraulong kalalakihan na dumaan sa buhay ko eh. Alam ko naman, hindi lahat bwiset, sabi ko lang naman, karamihan.

Hayaan niyo akong kausapin ang kapwa ko babae. Te, yung sakripisyo ng boyfriend mo na mabasa siya ng ulan para hindi ka mabasa, yung ihahatid ka, yung sasamahan ka, normal at dapat niyang gawin yun. Simpleng bagay at simpleng obligasyon. Pero kahit parang nakasanayan mo na, maglaan ka ng ilang sandali para magpasalamat at sabihing, "Ang gwapo mo talaga."

Sa inyong lahat, yung mga delivery boy na patpatin, kapag kumatok sa bahay mo, pagkatanggap mo ng package mo, sabihin mo "Salamat." Hindi sila macho, pero dinaig pa nila yung mga tambay at kapit sa patalim. Naiintindihan nila yung kahalagahan ng trabaho nila. Malinaw sa kanila na kailangan makarating sa'yo ang package mo, hindi na mahalaga kung anong pinagdaanan nila makapagdeliver lang. Actually may JRS delivery boy din kasing napadaan, tuloy-tuloy lang din siya kahit malamang wala na siyang makita sa paghampas ng ulan sa helmet niya.

Kung babae ka at napagsilbihan ka ng isang lalaki, sabihan mo ng "Salamat." Kung lalaki ka at hindi ka naman nalayo sa mga kinwento ko rito, tapikin mo sarili mo sa likod, at sabihin mo, "Ang gwapo ko talaga."

W

4 comments:

  1. Salamat.. Ang ganda mo naman Wilonah.. =)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi there, Anonymous! Are you thanking me for this blog post? If that's the case then you are welcome. :) Thank you!

      Delete
  2. A man being acknowledged by his woman is a check on one's dream list. I mean, its something to really want and not easy to attain. :) So thank you

    ReplyDelete
    Replies
    1. That's true. Everybody wants to feel appreciated. You're welcome! :)

      Delete

Relaks ka lang. Anong kumento mo?